Philippine Standard Time
 

Ipinapabatid ng DOST-PHIVOLCS ang pagtataas sa Alert Level 4 (hazardous eruption imminent) mula sa Alert Level 3 (magmatic unrest) ang kasalukuyang kalagayan ng Bulkang Taal. Simula kaninang 5:30 ng hapon (PST), tumindi ang aktibidad ng bulkan na kinabibilangan ng tuluy-tuloy na pagbuga ng steam-laden tephra column na may taas na 10 hanggang 15 kilometro na may kasabay na madalas na pagkidlat at pag-ulan ng abo na umabot sa hilaga ng bulkan hanggang sa Quezon City. Patuloy din ang pagtala ng volcanic tremor simula kaninang 11:00 ng umaga, at dalawang lindol na may lakas na magnitude 2.5 (6:15 ng hapon) at 3.9 (6:22 ng hapon) na naramdaman sa Tagaytay City at Alitagtag, Batangas sa lakas na Intensity III.

Sa naganap, itinataas ng DOST-PHIVOLCS sa Alert Level 4 ang estado ng Bulkang Taal kung saan posible ang mapanganib na pagputok sa loob ng ilang oras hanggang ilang araw. Mariing inuulit ng DOST-PHIVOLCS ang kabuuang paglikas mula sa Taal Volcano Island at karagdagang paglikas sa mapanganib o high-risk na mga lugar sa loob ng 14-kilometer radius mula sa Taal Main Crater dahil sa posibleng banta ng pagkakaroon ng pyroclastic density current (mabilis na daluyong ng napakainit na usok at abo) at volcanic tsunami. Ang mga lugar sa hilaga ng Bulkang Taal ay pinapayuhang magbantay at maging maingat sa epekto ng tuluy-tuloy at matagalang pag-ulan ng abo. Dapat payuhan ng civil aviation authorities ang mga sasakyang panghimpapawid na iwasan magpalipad sa paligid ng bulkan dahil sa panganib ng abo at ballistic fragments mula sa eruption column. Patuloy ang pagmamatyag ng DOST-PHIVOLCS sa aktibidad ng Taal Volcano at maglalabas ng update para sa publiko.

DOST-PHIVOLCS

-->