Philippine Standard Time
 

00 volcano icon for bulletin Tatlong maliit na phreatomagmatic burst sa Taal Main Crater ang naitala ng Taal Volcano Network kaninang 8:11 AM, 8:17 PM at 8:34 PM na tumagal ng isa (1) hanggang limang (5) minuto batay sa seismic record nito. Ang mga phreatomagmatic burst na ito ay lumikha ng pandaliang plume na 200 hanggang 1,500 metro ang taas batay sa kuha ng thermal camera. Simula noong Nobyembre 15, umabot na sa anim ang naitalang phreatomagmatic burst na maaring dulot ng pagbabasag ng bato at pag labas ng volcanic gas mula sa magma sa ilalim ng Taal Volcano Island.   

 

Pinaaalalahanan ng DOST-PHIVOLCS ang lahat na ang Alert Level 2 ay nakataas pa rin ngayon sa Bulkang Taal kaya’t ang steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglaang maganap at manalasa sa mga paligid ng Taal Volcano Island o TVI. Mariing iminumungkahi na maigting na ipagbawal ang pagpasok ng sinuman sa TVI, na siyang Permanent Danger Zone o PDZ ng Bulkang Taal, lalung-lalo na sa may gawi ng Main Crater at ng Daang Kastila fissure, at ang paninirahan at pamamangka sa lawa ng Taal. Hinihikayat ang mga may-katungkulan sa lokal na pamahalaan na patuloy na suriin at pagtibayin ang kahandaan ng mga dati nang nilikas na barangay sa paligid ng Lawa ng Taal kung sakali mang magkaroon ng panibagong pag-aalburoto ang bulkan. Ang mga may-katungkulan sa civil aviation ay nararapat mag-abiso sa mga piloto na iwasang magpalipad malapit sa bulkan dahil sa naglilipanang abo at umiitsang bato na maaaring idulot ng isang biglaang pagputok. Ang DOST-PHIVOLCS ay masusing nagbabantay sa kalagayan ng Bulkang Taal 24/7 at handang agarang ipabatid ang anumang pagbabago nito sa lahat ng kinauukulan.

 

DOST-PHIVOLCS

-->