Philippine Standard Time
 

ts

May mga obserbasyon na nakarating sa tanggapan ng DOST-PHIVOLCS na may nakitang usok na nagmumula sa Bulkang Pinatubo o kaya sa kalapit na mga lugar. Mayroon din daw na mga lugar na nagdilim at halos wala nang makita o maaninag dahil sa parang pag-ulan ng abo. 

Ang mga obserbasyong ito ay ibinalita sa amin pagkatapos ng M6.1 na lindol nitong Abril 22, 2019. Dahil dito, nag-aalala ang mga nakakita at nag-iisip kung mayroon bang kinalaman ang malakas na lindol sa kalagayan ng Bulkang Pinatubo.

Ang DOST-PHIVOLCS ay masusing sinusubaybayan ang Bulkang Pinatubo. Sa ngayon, ayon  sa aming Pinatubo Volcano Seismic Monitoring Network, walang naoobserbahang pagbabago sa bulkan na nagbabadya ang pag-aalburoto nito.

Ang aming mga kasamahan na inabutan ng lindol habang nagsasagawa ng fieldwork sa crater ng Bulkang Pinatubo ay walang nakitang pagbuga ng usok bago pa man ang lindol, habang lumilindol, o pagkatapos ng lindol. Ang mga naobserbahang usok at abo ay mga alikabok mula sa mga gumuhong lupa at bato. Ito ay resulta ng malakas na pagyanig na dulot ng M6.1 na lindol at mga sumunod na aftershocks. Ito ay pinatotohanan ng aming PHIVOLCS Quick Response Team na nagpunta sa Sitio Pasbul, Brgy Camias, Porac, Pampanga araw ng April 24, 2019.

Makakaasa kayo na ang DOST-PHIVOLCS ay patuloy na masinsinang sinusubaybayan ang Bulkang Pinatubo at anumang bagong impormasyon ay ipagbibigay-alam agad namin sa mga kinauukulan. Para sa karagdagang impormasyon, ugaliing bisitahin ang PHIVOLCS website  (www.phivolcs.dost.gov.ph) at official Facebook page.

 

DOST-PHIVOLCS