Pinababatid sa lahat ang pagtaas ng alerto ng Bulkang Taal mula sa Alert Level 1 (Bahagyang Pagligalig) patungong Alert Level 2 (Patuloy na Pagligalig).
Magmula pa noong ika-13 ng Pebrero 2021, nagpapamalas na ang Bulkang Taal ng patuloy nitong pagligalig batay sa mga sumusunod na mga palatandaan:
(1) Mga Volcanic na Lindol. Ang Taal Volcano Network (TVN) ay nakapagtala ng dalawampu’t walong (28) yugto ng volcanic tremor, apat (4) na low-frequency volcanic earthquake (LFVQ) at isang (1) hybrid earthquake na pumapatak sa hindi hihigit isa’t kalahating (1.5) kilometrong lalim ng Taal Volcano Island o TVI sa nakalipas na 24 oras. Lumakas ang mga volcanic tremor kung ihahambing sa mga nauna nang mga naitala at tumagal ng tatlo (3) hanggang labimpitong (17) minuto. Ang kabuuang bilang ng mga yugto ng volcanic tremor ay umaabot na sa 866 magmula pa noong ika-13 ng Pebrero. Samantala, ang hybrid earthquake ay ngayon lamang naitala mula pa noong Enero 2020. Alinsabay dito, may kabuuang 141 na mga LFVQ ang naganap na sa hindi hihigit isang (1) kilometrong lalim ng TVI at ng paligid nito. Sa kabuuan, ang mga kaganapan ng lindol sa nakaraang buwan ay nagsasaad ng magmatic at hydrothermal activity sa hindi kalalimang bahagi ng TVI.
(2) Mga Pagbabago sa Main Crater Lake (MCL). Nasukat sa MCL noong Pebrero 2021 ang mataas na temperatura na 74.6ºC at patuloy na pagsidhi ng acidity na nasa pH 1.59 mula sa pH na 2.79 noong Enero 2020. Ang pagsidhi ng acidity ay dulot ng pagsanib ng volcanic gas sa mababaw na hydrothermal system na tumatagas sa lawa at nagsasaad ng patuloy na pagsingaw ng magma na naimbak noong pagputok ng Enero 2020.
(3) Ground Deformation. Ang pinagsamang real-time ground tilt, continuous GPS, Electronic Distance Measurement (EDM) at Interferometric SAR (InSAR) data ay nagsasaad ng mahinay na ground deformation ng TVI na nakapako sa isang pressure source sa gawing timog-silangan nito. Karagdagang isinasaad ng continuous GPS at InSAR data ang marahan at patuloy na pag-alsa at/o paglawak ng kalakhang Taal mula pa noong pagputok ng 2020, na mas hamak na mahinahon kaysa sa ground deformation bago at matapos ng pagputok.
(4) Mga Pagbabago sa Microgravity. Nasukat ng patuloy na pagsisiyasat ng microgravity ang pag-akyat nito sa kalakhang Taal Caldera pagkatapos ng pagputok noong 2020, na naaayon sa pagbabago sa siksik ng bulkan dulot ng paggitgit at pagsingaw ng magma at hydrothermal activity.
Alinsunod sa mga nasaad na batayan, ang DOST-PHIVOLCS ay kasalukuyang nagtataas ng Alert Level 1 patungong Alert Level 2 sa Bulkang Taal. Ito’y nangangahulugang mayroong magmatic activity na maaring mauwi o hindi mauwi sa isang pagputok ng bulkan. Sa Alert Level 2, ang paglikas ay hindi pa kinakailangan. Sa kabila nito, ang lahat ay pinaaalalahanan na ang Taal Volcano Island ay isang Permanent Danger Zone (PDZ) at nararapat na ipagbawal ang pagpunta dito lalong-lalo na sa Main Crater at sa bitak ng Daang Kastila. Hinihimok ang mga Local Government Units (LGU) na patuloy na suriin ang mga pinsala at kalagayan ng kalsada’t daanan sa mga barangay na dati nang inilikas at pagtibayin ang paghahanda, contingency, at mga pamamaraan ng komunikasyon para sa sakaling mas magligalig ang bulkan. Ang mga naninirahan sa mga barangay na dati nang inilikas ay hinihimok na laging maging handa, maging mahinahon at makinig sa mga paunawa ng mga tamang kinauukulan lamang. Ang mga pamunuan ng civil aviation ay kinakailangang magpayo sa mga piloto na iwasan ang pagpapalipad malapit sa bulkan upang makaiwas sa biglaang pagbuga ng abo at malalaking tipak ng lava o paglipad ng abo dala ng malakas na hangin na maaring magdulot ng panganib sa mga sasakyang panghimpapawid. Ang DOST-PHIVOLCS ay patuloy na masusing nagbabantay sa kalagayan ng Bulkang Taal at agarang magpapararating sa lahat ng anumang pagbabago sa kalagayan ng bulkan.
DOST-PHIVOLCS