Philippine Standard Time
 

Sa nakalipas na 24 oras, ang Taal Volcano Network ay nakapagtala ng limang (5) volcanic earthquakes kabilang dito ang isang (1) volcano tectonic, apat (4) na low frequency volcanic earthquakes, at mayroong low-level background tremor na naitala noong 1:45 PM kahapon, ika-06 ng Abril 2021 hanggang kaninang 5:30 AM. Samantala, mahinang pagsingaw, na may taas na limang (5) metro, mula sa mga fumaroles o gas vents ang naganap sa Main Crater. Ang pagbuga ng sulfur dioxide o SO2 ay humigit-kumulang 1,454 tonelada kada araw noong ika-06 ng Abril 2021. Huling nasukat sa lawa ng Main Crater ang mataas na temperatura na 71.8ºC noong ika-04 ng Marso 2021 at acidity na may pH 1.59 noong ika-12 ng Pebrero 2021. Ang sukat ng ground deformation ng bulkan batay sa electronic tilt, continuous GPS at InSAR data ay nagsasaad ng marahan at patuloy na pamamaga ang kalakhang Taal magmula pa nang pagsabog ng bulkan noong Enero 2020. Sa kabuuan, ang mga nabanggit na batayan ay maaaring nagsasaad ng pagbaba ng pagligalig ng magma sa di kalalimang bahagi ng bulkan.

 

Ang Alert Level 2 ay kasalukuyan pa ring nakataas sa Taal Volcano. Pinaaalalahanan ng DOST-PHIVOLCS ang madla na sa Alert Level 2, ang steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglaang maganap at manalasa sa mga paligid ng Taal Volcano Island o TVI. Mariing iminumungkahi ng DOST-PHIVOLCS na maigting na ipagbawal ang pagpasok ng sinuman sa TVI, na siyang Permanent Danger Zone o PDZ ng Bulkang Taal, lalung-lalo na sa may gawi ng Main Crater at ng Daang Kastila fissure, at ang paninirahan at pamamangka sa lawa ng Taal. Ang mga lokal na pamahalaan ay hinihikayat na patuloy na suriin at pagtibayin ang kahandaan ng mga dati nang nilikas na barangay sa paligid ng Lawa ng Taal kung sakali mang magkaroon ng panibagong pag-aalburoto ang bulkan. Ang mga may-katungkulan sa civil aviation ay nararapat na humikayat sa mga piloto na iwasang magpalipad malapit sa bulkan dahil sa naglilipanang abo at umiitsang bato na maaaring idulot ng isang biglaang pagputok ng bulkan. Ang DOST-PHIVOLCS ay masusing nagbabantay sa kalagayan ng Bulkang Taal 24/7 at handang agarang ipabatid ang anumang pagbabago nito sa lahat ng kinauukulan.

 

DOST-PHIVOLCS

-->