Sa nakalipas na 24 oras, ang Taal Volcano Network ay hindi nakapagtala ng volcanic earthquake samantalang ang low-level background tremor na nagsimula noong ika-08 ng Abril 2021 ay patuloy na naitatala. May naganap na upwelling ng mainit na volcanic gas sa lawa ng Main Crater na lumikha ng plume na tumaas ng isang libo at dalawang daang (1200) metro bago mapadpad sa timog kanluran. Ang pagbuga ng sulfur dioxide o SO2 ay humigit-kumulang 4,034 tonelada kada araw noong ika-16 ng Hunyo 2021. Ang sukat ng ground deformation ng bulkan gamit ang electronic tilt, continuous GPS at InSAR monitoring ay nakakapagtala ng marahan na pag-impis ng Taal Volcano Island simula noong Abril 2021, samantalang ang kalakhang Taal ay nakakaranas ng marahang paglawak simula noong 2020. Sa kabuuan, ang mga nabanggit na batayan ay nagsasaad ng patuloy na pagligalig ng magma sa di kalalimang bahagi ng bulkan.
Ang Alert Level 2 ay kasalukuyan pa ring nakataas sa Taal Volcano. Pinaaalalahanan ng DOST-PHIVOLCS ang madla na sa Alert Level 2, ang steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglaang maganap at manalasa sa mga paligid ng Taal Volcano Island o TVI. Mariing iminumungkahi ng DOST-PHIVOLCS na maigting na ipagbawal ang pagpasok ng sinuman sa TVI, na siyang Permanent Danger Zone o PDZ ng Bulkang Taal, lalung-lalo na sa may gawi ng Main Crater at ng Daang Kastila fissure, at ang paninirahan at pamamangka sa lawa ng Taal. Ang mga opisyales ng lokal na pamahalaan ay hinihikayat na patuloy na suriin at pagtibayin ang kahandaan ng mga dati nang nilikas na barangay sa paligid ng Lawa ng Taal kung sakali mang magkaroon ng panibagong pag-aalburoto ang bulkan. Ang mga may-katungkulan sa civil aviation ay nararapat na humikayat sa mga piloto na iwasang magpalipad malapit sa bulkan dahil sa naglilipanang abo at umiitsang bato na maaaring idulot ng isang biglaang pagputok ng bulkan. Ang DOST-PHIVOLCS ay masusing nagbabantay sa kalagayan ng Bulkang Taal 24/7 at handang agarang ipabatid ang anumang pagbabago nito sa lahat ng kinauukulan.
DOST-PHIVOLCS