Isang paraan ng pagmamanman ay ang regular na pagsusuri ng DOST-PHIVOLCS ng mga open satellite data information para sa volcanic SO2 at mga thermal flux anomalies sa mga aktibong bulkan sa Pilipinas. Kahapon ng hapon, ang mga web portal para sa Ozone Mapping Instrument (OMI) ng NASA sa platform ng Aura at ang Ozone Mapping and Profiler Suite (OMPS) sa Suomi National Polar-Orbiting Partnership Satellite ay naglabas ng impormasyon tungkol sa SO2 na namataan sa Taal Volcano noong 28 at 29 Hunyo 2021. Ang mga plume ay umaabot mula sa planetary boundary layer o PBL, na malapit sa ibabaw ng kalupaan, hanggang sa upper troposphere na halos dalawampung (20) kilometro ang taas mula sea level at napadpad sa mga lalawigan ng Batangas, Laguna, Cavite, Rizal, Bulacan, Pampanga, Bataan at Zambales at ng Kalakhang Maynila. Ayon sa datos mula sa satellite noong 29 Hunyo 2021, ang mga plume ay nagpakita ng mas malawak na pagkalat sa himpapawid ng Luzon. Ang mga datos na ito ay nagkumpirma ng ating obserbasyon ng volcanic smog o vog sa kalakhang Taal kaya’t naglabas tayo ng isang advisory noong alas-6 ng umaga, 28 Hunyo 2021, bago maitala ang pinakamataas na SO2 flux na 14,326 tonelada kada araw. Simula noon, nagkaroon ng mga katanungan ang publiko tungkol sa pagkakaroon ng sulfur dioxide at vog sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan batay sa kanilang nanamamataan na haze. Una na itong itinanggi ng aming tanggapan dahil sa kakulangan ng hawak na batayan at dahil sa ang pangkalahatang direksyon ng hangin at pagpadpad ng SO2 mula sa Taal ay patungong hilagang-silangan at silangan mula pa noong 28 Hunyo 2021. Inilabas din natin ang pahayag na ang haze sa Metro Manila ay sanhi ng smog mula sa aktibidad ng tao. Ang interpretasyon na ito ay sinusuportahan ng impormasyon mula sa DOST-PAGASA ng pagkakaroon ng isang mainit na sapin ng hangin sa ibabaw ng isang (1) kilometrong taas sa himpapawid na siyang pumipigil sa pag-angat ng mas malamig na hangin mula sa ibabaw ng lupa, kaya’t nakulong ang mga pollutant at naipon ang smog sa kabuuang NCR at mga karatig na lalawigan.
Dahil sa mga bagong labas na scientific data mula sa mga satellite platforms, kinikilala ng DOST-PHIVOLCS ang mga katibayan ng mas malawak na pagkalat ng volcanic SO2 sa himpapawid ng kabuuang NCR at mga karatig na lalawigan at ang kahalagahan ng mga ipinararating na obserbasyon ng ating publiko. Bilang isang scientific institution, binibigyang-tibay natin ang kahalagahan ng uncertainty at limitasyon ng datos, ng tulong ng mga mamamayang mapagmasid at ng palaging paghamon sa ating sariling mga pananaw, interpretasyon at isip. Nais nating tiyakin sa publiko na tayo ay nakatuon sa pagbibigay ng pinakamahusay at pinakabagong datos ukol sa mga minamanmanang bulkan, lalo na kung may mahahalagang implikasyon sa kaligtasan at kalusugan ng lahat. Inaasahan natin na sa paghaing ito ng mga nabanggit na satellite data, ang publiko ay mas magabayan at tiyak na mabigyan ng tama, nakatutugon at tapat na serbisyong impormasyon mula sa ating tanggapan at mananatiling ito ang ating pangunahing layunin.
DOST-PHIVOLCS