Sa nakalipas na 24 oras, ang Taal Volcano Network ay nakapagtala ng animnapung (60) volcanic tremor events na tumagal nang dalawa (2) hanggang walong (8) minuto, at low-level background tremor na naitala simula noong ika-7 ng Hulyo 2021. May naganap na upwelling ng mainit na volcanic gas sa lawa ng Main Crater na lumikha ng plume na may taas na dalawang libo at isang daang (2100) metro bago mapadpad sa silangan at hilagang-silangan. Ang pagbuga ng sulfur dioxide o SO2 ay humigit-kumulang 6,393 tonelada kada araw noong ika-13 ng Oktubre 2021. Batay sa sukat ng ground deformation ng bulkan gamit ang electronic tilt, continuous GPS at InSAR monitoring, ang Taal Volcano Island ay nagsimula muling mamaga nitong Agosto 2021, samantalang ang kalakhang Taal ay nakakaranas pa rin ng marahang paglawak simula pa noong 2020.
Ang Alert Level 2 ay nakataas na ngayon sa Taal Volcano. Pinaaalalahanan ng DOST-PHIVOLCS ang madla na sa Alert Level 2, ang steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglaang maganap at manalasa sa mga paligid ng Taal Volcano Island o TVI. Mariing iminumungkahi ng DOST-PHIVOLCS na maigting na ipagbawal ang pagpasok ng sinuman sa TVI, na siyang Permanent Danger Zone o PDZ ng Bulkang Taal, lalung-lalo na sa may gawi ng Main Crater at ng Daang Kastila fissure, at ang paninirahan at pamamangka sa lawa ng Taal. Ang mga opisyales ng lokal na pamahalaan ay hinihikayat na patuloy na suriin at pagtibayin ang kahandaan ng mga dati nang nilikas na barangay sa paligid ng Lawa ng Taal kung sakali mang magkaroon ng panibagong pag-aalburoto ang bulkan. Ang mga may-katungkulan sa civil aviation ay nararapat na humikayat sa mga piloto na iwasang magpalipad malapit sa bulkan dahil sa naglilipanang abo at umiitsang bato na maaaring idulot ng isang biglaang pagputok ng bulkan. Ang DOST-PHIVOLCS ay masusing nagbabantay sa kalagayan ng Bulkang Taal 24/7 at handang agarang ipabatid ang anumang pagbabago nito sa lahat ng kinauukulan.
DOST-PHIVOLCS