Sa nakalipas na 24 oras, ang Taal Volcano Network ay nakapagtala ng walong (8) volcanic earthquakes, kabilang ang anim (6) na volcanic tremor events na tumagal nang dalawa (2) hanggang apat (4) na minuto, isang (1) low frequency volcanic earthquake, isang (1) volcano-tectonic earthquake at low-level background tremor na naitala simula noong ika-7 ng Hulyo 2021. Ang pagbuga ng sulfur dioxide o SO2 ay humigit-kumulang 2,684 tonelada kada araw noong ika-08 ng Disyembre 2021. Batay sa sukat ng ground deformation ng bulkan gamit ang electronic tilt, continuous GPS at InSAR monitoring ay nakakapagtala ng marahang pag-impis ng Taal Volcano Island at ng kalakhang Taal simula noong Oktubre 2021.
Ang Alert Level 2 ay nakataas na ngayon sa Taal Volcano. Pinaaalalahanan ng DOST-PHIVOLCS ang madla na sa Alert Level 2, ang steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglaang maganap at manalasa sa mga paligid ng Taal Volcano Island o TVI. Mariing iminumungkahi ng DOST-PHIVOLCS na maigting na ipagbawal ang pagpasok ng sinuman sa TVI, na siyang Permanent Danger Zone o PDZ ng Bulkang Taal, lalung-lalo na sa may gawi ng Main Crater at ng Daang Kastila fissure, at ang paninirahan at pamamangka sa lawa ng Taal. Ang mga opisyales ng lokal na pamahalaan ay hinihikayat na patuloy na suriin at pagtibayin ang kahandaan ng mga dati nang nilikas na barangay sa paligid ng Lawa ng Taal kung sakali mang magkaroon ng panibagong pag-aalburoto ang bulkan. Ang mga may-katungkulan sa civil aviation ay nararapat na humikayat sa mga piloto na iwasang magpalipad malapit sa bulkan dahil sa naglilipanang abo at umiitsang bato na maaaring idulot ng isang biglaang pagputok ng bulkan. Ang DOST-PHIVOLCS ay masusing nagbabantay sa kalagayan ng Bulkang Taal 24/7 at handang agarang ipabatid ang anumang pagbabago nito sa lahat ng kinauukulan.
DOST-PHIVOLCS