Sa nakalipas na 24 oras, ang Taal Volcano Network ay nakapagtala ng pitong (7) volcanic earthquakes, kabilang ang dalawang (2) volcanic tremor event, limang (5) low-frequency volcanic earthquakes at low-level background tremor na naitala simula pa noong ika-7 ng Hulyo 2021. May naganap na panandaliang phreatomagmatic burst kahapon ng 4:16 PM batay sa seismic records at visual cameras na lumikha ng plume na may taas na tatlong daang (300) metro at napadpad sa timog kanluran sa loob ng Main Crater. Samantala, mayroon ding naganap na upwelling ng mainit na volcanic gas sa lawa ng Main Crater na lumikha ng plume na may taas na isang libo’t limang daang (1500) metro na napadpad sa timog kanluran. Ang pagbuga ng sulfur dioxide o SO2 ay humigit-kumulang 10,009 tonelada kada araw noong ika-10 ng Pebrero 2022. Batay sa sukat ng ground deformation ng bulkan gamit ang electronic tilt, continuous GPS at InSAR monitoring ay nakakapagtala ng marahang pag-impis ng Taal Volcano Island at ng kalakhang Taal simula noong Oktubre 2021.
Ang Alert Level 2 ay nakataas na ngayon sa Taal Volcano. Pinaaalalahanan ng DOST-PHIVOLCS ang madla na sa Alert Level 2, ang steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglaang maganap at manalasa sa mga paligid ng Taal Volcano Island o TVI. Mariing iminumungkahi ng DOST-PHIVOLCS na maigting na ipagbawal ang pagpasok ng sinuman sa TVI, na siyang Permanent Danger Zone o PDZ ng Bulkang Taal, lalung-lalo na sa may gawi ng Main Crater at ng Daang Kastila fissure, at ang paninirahan at pamamangka sa lawa ng Taal. Ang mga opisyales ng lokal na pamahalaan ay hinihikayat na patuloy na suriin at pagtibayin ang kahandaan ng mga dati nang nilikas na barangay sa paligid ng Lawa ng Taal kung sakali mang magkaroon ng panibagong pag-aalburoto ang bulkan. Ang mga may-katungkulan sa civil aviation ay nararapat na humikayat sa mga piloto na iwasang magpalipad malapit sa bulkan dahil sa naglilipanang abo at umiitsang bato na maaaring idulot ng isang biglaang pagputok ng bulkan. Ang DOST-PHIVOLCS ay masusing nagbabantay sa kalagayan ng Bulkang Taal 24/7 at handang agarang ipabatid ang anumang pagbabago nito sa lahat ng kinauukulan.
DOST-PHIVOLCS