Philippine Standard Time
 

Pagkatapos ng phreatomagmatic eruption sa Main Crater na naganap sa pagitan ng 07:22 AM at 08:59 AM kahapon (26 March 2022), ang Taal Volcano Network o TVN ay nakapagtala ng dalawang (2) phreatomagmatic events kaninang 4:34 AM at 5:04 AM batay sa seismic records at visual cameras. Ang mga ito ay nagdulot ng plume na may taas na walong daan (800) metro at apat na raang (400) metro na napadpad sa timog kanluran. 

 

Sa nakalipas na 24 oras, ang TVN ay nakapagtala ng labing-apat (14) na volcanic earthquakes, kabilang ang sampung (10) volcanic tremor events na tumagal ng dalawa (2) hanggang tatlong (3) minuto, at apat (4) na low-frequency volcanic earthquakes. May naganap na upwelling ng mainit na volcanic gas sa lawa ng Main Crater na lumikha ng plume na may taas na isang libo (1,000) metro na napadpad sa timog-kanluran. Ang pagbuga ng sulfur dioxide o SO2 ay humigit-kumulang 6,957 tonelada kada araw noong ika-25 ng Marso 2022. Huling nasukat sa lawa ng Main Crater ang mataas na temperatura na 63.7ºC noong ika-25 ng Pebrero 2022. Batay sa sukat ng ground deformation ng bulkan gamit ang electronic tilt, continuous GPS at InSAR monitoring, nakakapagtala ng marahang pag-impis ng Taal Volcano Island at ng kalakhang Taal simula noong Oktubre 2021.

 

Ang Alert Level 3 (Magmatic unrest) ay kasalukuyan nakataas sa Taal Volcano. Sa kalagayang ito, ang magma na nanunuot sa ilalim ng Main Crater ay maaaring magdulot ng karagdagan o malakas na pagputok. Mariing iminumungkahi ng DOST-PHIVOLCS sa lahat na lumikas mula sa Taal Volcano Island o TVI at mga high-risk barangays ng Bilibinwang at Banyaga, Agoncillo at Boso-boso, Gulod at silangang bahagi ng Bugaan East, Laurel, Batangas dahil sa panganib ng pyroclastic density currents at volcanic tsunami kung sakaling magkaroon ng malakas na pagputok. Maigting na pinaaalalahanan ang lahat na ang buong TVI ay isang Permanent Danger Zone (PDZ) at ang pagpasok dito at sa mga high-risk barangays ng Agoncillo at Laurel ay dapat ipagbawal. Lahat ng mga aktibidad sa Taal Lake ay dapat ipagbabawal sa ngayon. Hinihikayat ang mga residente sa paligid ng Taal Lake na maging mapagmatyag at mag-ingat dahil sa posibleng ashfall at vog at maging laging handa sa posibleng evacuation kung sakaling ang aktibidad ng Taal ay lumala. Ang mga may-katungkulan sa civil aviation ay nararapat na humikayat sa mga piloto na iwasang magpalipad malapit sa bulkan dahil sa naglilipanang abo, umiitsang bato, at pyroclastic density currents tulad ng base surge na maaaring makaapekto sa aircraft na idudulot ng posibleng biglaang pagputok ng bulkan. Ang DOST-PHIVOLCS ay masusing nagbabantay sa kalagayan ng Bulkang Taal 24/7 at handang agarang ipabatid ang anumang pagbabago nito sa lahat ng kinauukulan.

 

 

DOST-PHIVOLCS

-->