Pinababatid sa lahat ng kinauukulan na atin nang ibinababa ang alerto ng Bulkang Taal mula sa Alert Level 3 (ang taya ng malakas na pagsabog ay pansamantalang naibsan) pababa sa Alert Level 2 (pababang aktibidad ng bulkan).
Matapos ang pagbaba sa Alert Level 3 noong 26 Enero 2020, ang kalagayan ng Bulkang Taal sa sumunod na tatlong linggo ay kinatawan ng pagbaba ng bilang ng volcanic earthquakes, paghupa sa pamamaga ng lupa ng kabuuang Taal Caldera at Taal Volcano Island (TVI) at paghina ng pagbuga ng usok at volcanic gas mula sa Main Crater. Ang mga pagbabagong ito ay batay sa mga sumusunod na monitoring parameters:
1. Simula noong 26 Enero 2020, ang bilang ng volcanic earthquakes na naitala ng Taal Volcano Network (TVN) ay nasa average 141 na lindol kada araw habang ang bilang ng lindol na naitala ng Philippine Seismic Network (PSN) sa paligid ng Taal ay bumaba sa 127 na lindol na may magnitude mula M1.4 hanggang M4.3. Bumaba rin ang bilang at enerhiya ng tremors at low frequency events na may kaugnayan sa pagkilos sa imbakan ng magma at hydrothermal region sa ilalim ng TVI. Ang mga parametrong ito ay mas naaayon sa paglabas ng gas sa naipong magma sa halip na pagkilos ng aktibong magma mula o patungo sa mababaw nitong imbakan sa ilalim ng TVI.
2. Ang mga datos ng continuous Global Positioning System (GPS) mula noong 13 Enero hanggang 11 Pebrero ay nagtala ng kabuuang pagbaba ng lupa sa Taal Caldera at TVI, kasunod ng pag-angat sa hilagang-kanlurang bahagi ng caldera at paglubog ng TVI noong 12-13 Enero. Ang paglubog sa gilid ng Pansipit River Valley, na kung saan nagkaroon ng pagbitak ng lupa o fissuring, ay naitala rin ng campaign GPS monitoring mula 24-27 Enero. Ang kabuuang pagbabago ng Bulkang Taal sa panahong ito ay nagpapahiwatig ng paghumpay ng lupa matapos ng pagsabog at paghinto ng pagtulak ng magma, na siyang hinudyat ng hybrid earthquakes, noong 18 Enero.
3. Ang sukat ng sulfur dioxide (SO2) na nakalap ng campaign Flyspec ay nasa average na 62 tonelada kada araw simula noong 26 Enero dulot ng mahinang paglabas ng gas sa mababaw na imbakan ng magma, paghupa ng pag-usok o paghalo ng volcanic gas sa nanunumbalik na lawa sa Main Crater at sa hydrothermal system ng TVI.
4. Ang Main Crater ay nagtatala na lamang ng mahinang pagbuga ng usok o singaw (weak steam-laden plumes), alinsunod ng pagbaba ng antas ng aktibidad ng bulkan.
Alinsunod sa mga nasasaad na batayan, ibinababa ng DOST-PHIVOLCS ang alert status ng Bulkang Taal mula Alert Level 3 patungong Alert Level 2 kaakibat ng pagbaba sa antas ng monitoring parameters. Ang Alert Level 2 ay nangangahulugang mayroong pagbaba sa taya ng pagputok ng bulkan ngunit hindi nangangahulugang huminto o naglaho na ang banta ng pagputok. Kung sakaling magkaroon ng pagtaas o kakaibang pagbabago sa monitoring parameters na naghuhudyat ng napipintong pagsabog, ang Alert Level ay maaaring muling itaas sa Alert Level 3. Kung mangyari ito, ang mga taong naninirahan sa mga lugar na mataas ang panganib (high risk) sa base surge, na bumalik matapos ang pagbaba ng Alert Level, ay kailangang handa sa mabilis at maayos na paglikas (evacuation). Sa kabilang dako, kung sakaling patuloy na bumaba ang monitoring parameters sa loob ng sapat na panahon ng pagmamanman, ang Alert Level ay maaaring ibaba sa Alert Level 1.
Ang DOST-PHIVOLCS ay nagpapaalala sa publiko na sa Alert Level 2, maaaring magkaroon ng biglaang pagbuga ng steam o phreatic explosions, volcanic earthquakes, ashfall, at pag-ipon at pagbuga ng mga nakalalasong gas lalung-lalo na sa TVI at sa mga baybayin nito. Mariing iminumungkahi ng DOST-PHIVOLCS ang mahigpit na pagbabawal sa pagpasok sa TVI, na siyang Permanent Danger Zone (PDZ) ng Bulkang Taal. Hinihimok ang mga Local Government Units (LGUs) na suriin ang mga lugar sa loob ng pitong (7) kilometrong-radius, na dating nilisan ng mga tao, para sa mga pinsala at kalagayan ng kalsada’t daanan. Kinakailangan ring palakasin ang paghahanda, contingency, at mga pamamaraan ng komunikasyon para sa mabilisang pagkalat ng impormasyon kung sakaling magkaroon ng pagbabago sa kalagayan ng bulkan. Pinapayuhan ang mga tao na mag-ingat sa panganib ng paggalaw ng lupa sa mga lugar na may bitak (fissure), madalas na pag-ulan ng abo, at mahihinang lindol. Ang mga pamayanan sa gilid ng ilog na may makapal na deposito ng abo mula sa pagputok ng bulkan ay nararapat na maging mas mapagmasid kapag may malakas at mahabang pag-ulan sapagkat maaaring magdulot ito ng lahar sa mga ilog. Ang mga pamunuan ng civil aviation ay kailangang magpayo sa mga piloto na iwasan ang paglipad malapit sa bulkan sa kadahilanang maaaring magkaroon ng biglaang pagbuga ng abo at búga o paglipad ng abo dala ng malakas na hangin na maaaring magdulot ng panganib sa mga sasakyang panghimpapawid. Ang DOST-PHIVOLCS ay patuloy sa pagbabantay sa kalagayan ng Bulkang Taal at ang anumang mga pagbabago ay agarang ipararating sa lahat ng mga kinauukulan.
DOST-PHIVOLCS
[Download PDF copy]