Philippine Standard Time
 

00 volcano icon for bulletin  Pinababatid sa lahat ng kinauukulan ang pagbaba ang alerto ng Bulkang Taal mula sa Alert Level 2 (Pababang Aktibidad ng Bulkan) pababa sa Alert Level 1 (Alangan pa ring Kalagayan).

 

Ang kalagayan ng Bulkang Taal sa nakalipas na apat (4) na linggo matapos ang pagbaba ng Alert Level 2 noong 14 Pebrero 2020 ay kinakatawan ng matumal na volcanic earthquakes, paghupa sa pamamaga ng lupa ng kabuuang Taal Caldera at Taal Volcano Island (TVI) at mahihinang pagsingaw mula sa Main Crater at Daang Kastila fissure. Ang mga ito ay batay sa mga sumusunod na namanmanang parameters:

 

  1. 1. Nakapagtala ang Taal Volcano Network (TVN) ng pagbaba sa katamtamang bilang ng lindol mula 141 kada araw noong pagitan ng 26 Enero at 14 Pebrero sa 31 kada araw mula 14 Pebrero hanggang sa kasalukuyan. Ang karamihan ng lindol ay kaugnay ng pagbitak ng bato at mayroong lamang anim (6) na low frequency events na kaugnay ng pagkilos sa imbakan ng magma o sa hydrothermal system sa ilalim ng TVI na naganap hanggang 6 Marso. Ang mga natalang lindol ay mas naaayon sa paglabas ng gas sa naipong magma sa halip na sa pagkilos ng aktibong magma mula o patungo sa imbakan nito sa kaibuturan ng TVI.
  2. 2. Naitala ng continuous Global Positioning System (GPS) sa pagitan ng 14 Pebrero at 16 Marso ang marahan at bahagyang pagalsa ng lupa sa hilagang bahagi ng Taal Caldera alinsabay sa patuloy namang paglubog ng timog na bahagi nito pati na rin ng TVI. Ang mga pagkilos na ito ay sumasalarawan sa pangkabuuang ground deformation ng Bulkang Taal mula pa noong 13 Enero at naaayon sa paghumpay nito nang lumipas na ang pagsabog.
  3. 3. Ang binubugang sulfur dioxide o SO2 na nakalap ng campaign Flyspec ay may katamtamang sukat na lamang na 56 tonelada kada araw sa pagitan 14 at 17 ng Pebrero bago ito bumagsak sa detection limits ng instrumento sa mga sumunod na araw. Ang paghina ng SO2 ay sanhi ng mahinang pagsingaw ng gas mula sa imbakan ng magma at pagsanib ng volcanic gas sa nanunumbalik na lawa ng Main Crater pati na rin na hydrothermal system ng TVI.
  4. 4. Matamlay na paglabas na lamang ng 50-100-metrong taas na singaw ang nagaganap mula sa mga lagusan at fumaroles sa Main Crater at sa Daang Kastila fissure sa hilagang dalisdis ng TVI. Ang pinakahuling pag-usok ng Main Crater ay naganap noong 26 hanggang ­­27 ng Pebrero kung saan may 300-metrong taas na steam-laden plume ang ibinuga sa loob ng anim na oras. Mula noon, mahinang pagsingaw at pamumuo ng tubig-lawa sa Main Crater na lamang ang karaniwang nagaganap sa ibabaw ng bulkan.

 

Alinsunod sa mga nasasaad, ibinababa ng DOST-PHIVOLCS ang alert status ng Bulkang Taal mula Alert Level 2 patungong Alert Level 1 kaakibat ng pagbaba ng antas ng mga monitoring parameters. Ang Alert Level 1 ay nangangahulugang nasa alangan pa ring kalagayan ang bulkan at hindi nangangahulugang huminto o naglaho na ang banta ng pagputok. Kung sakaling magkaroon ng pagtaas o kakaibang pagbabago sa monitoring parameters na maghuhudyat ng muling pagkabalisa ng bulkan, ang alerto ay maaaring muling itaas sa Alert Level 2. Dahil dito, ang mga taong naninirahan sa mga lugar na may mataas na panganib (high risk) sa base surge na nagsibalik matapos ang pagbaba sa Alert Level 2 ay kailangang maging mapagmasid at laging handa sa mabilis at maayos na paglikas (evacuation). Sa kabilang dako, kung sakaling patuloy na bumaba ang mga monitoring parameters sa loob ng sapat na panahon ng pagmamanman, ang alerto ay maaaring ibaba sa Alert Level 0.

Ang DOST-PHIVOLCS ay nagpapaalala sa publiko na sa Alert Level 1, maaaring maganap ang biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions, volcanic earthquakes, manipis na ashfall at pag-ipon o pagbuga ng mga nakalalasong gas lalung-lalo na sa kapaligiran. Mariing iminumungkahi ng DOST-PHIVOLCS ang mahigpit na pagbabawal sa pagpasok sa TVI, na siyang Permanent Danger Zone o PDZ ng Bulkang Taal, lalung-lalo na sa palibot at loob ng Main Crater at ng Daang Kastila fissure. Hinihimok ang mga Local Government Units (LGU) na patuloy na suriin ang mga pinsala at kalagayan ng kalsada’t daanan sa mga barangay na kamakailan lamang nilikas. Kinakailangan rin palakasin ng LGUs ang paghahanda, contingency, at mga pamamaraan ng komunikasyon para sa mabilisang paglaganap ng kaalaman at babala kung sakaling magbago ang kalagayan ng bulkan. Pinapayuhan ang mga tao na mag-ingat sa paggalaw ng lupa na nagkaroon ng bitak (fissure), maaaring pag-ulan ng abo, at mahihinang lindol. Ang mga pamunuan ng civil aviation ay kinakailangang magpayo sa mga piloto na huwag magpalipad malapit sa bulkan upang makaiwas sa biglaang pagbuga ng abo at malalaking tipak ng lava o paglipad ng abo dala ng malakas na hangin na maaring magdulot ng panganib sa mga sasakyang panghimpapawid. Ang DOST-PHIVOLCS ay patuloy na masusing nagbabantay sa kalagayan ng Bulkang Taal at ang anumang pagbabago ay agarang ipararating sa lahat ng mga kinauukulan.


DOST-PHIVOLCS