Ito ay paunawa ukol sa patuloy na volcanic smog o vog na bumabalot sa Taal Caldera at ang epekto ng volcanic SO2 gas sa mga residente sa palibot ng Taal Lake.

 

Ibinuga ng Taal Main Crater ang mataas na sukat ng volcanic sulfur dioxide or SO2 gas kasabay ng matatayog na steam-rich plume nitong nakaraang apat na araw. Ang sukat ng SO2 kahapon, ika-28 ng Hunyo 2021, ay humigit-kumulang 14,326 tonelada kada araw, ang pinakamataas na naitala sa bulkang Taal. Umiral naman sa kalawakan nito ngayong araw ang temperatura na nasa 34ºC, relative humidity na nasa 53% at mabagal na pag-ihip ng hangin na nasa 1 hanggang 4 metro kada segundo lamang ang bilis abot hanggang tatlong kilometrong taas ng himpapawid. Ang mataas na SO2 flux, singaw o water vapor na ibinubuga sa plume, mahinang hangin at sikat ng araw ay maaring patuloy na lumikha ng volcanic smog o vog na babalot sa kalakhang Taal Caldera, lalo na sa hilagang-silangan at silangang bahagi nito kung saan patungo ang kasalukuyang ihip ng hangin. Katunayan, may mga ulat na na natanggap ang DOST-PHIVOLCS ng mga naging masamang epekto sa ibang mga residente ng ilang baybaying barangay ng Tanauan at Talisay, Batangas at sa mga nangangalaga ng mga baklad sa Taal Lake. Dahil sa patuloy na mataas na antas ng SO2, hinihikayat ang mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng health checks sa kanilang pamayanan kung naapektuhan ng vog upang tiyakin ang kalagayan ng mga residente at kung kinakailangan ang panandaliang paglikas ng mga lubhang naaapektuhan. Hinihikayat din ang mga lokal na pamahalaan na laging sumangguni sa mga weather at wind forecast ng DOST-PAGASA upang sa gayon ay mabatid kung maaaring mapadpad sa kanilang pamayanan ang SO2 gas kung may mataas na pagbuga nito. Pinakahuli, hinihikayat din ang mga lokal na pamahalaan na magmasid sa mga nangangalaga ng mga baklad sa Taal Lake upang masiguro na walang lumalapit sa Taal Volcano Island at malantad sa mapanganib na SO2 gas.

 

Bilang paalala, ang vog ay isang uri ng polusyon sa hangin na sanhi ng mga bulkan. Binubuo ito ng mga pinong patak na naglalaman ng volcanic gas tulad ng SO2 na acidic at nakakairita ng mga mata, lalamunan at respiratory tract depende sa konsentrasyon o tagal ng pagkalanghap nito. Ang mga taong sadyang sensitibo sa masamang epekto ng vog ay ang mga may sakit gaya ng hika, sakit sa baga at sakit sa puso, mga matatanda, mga buntis, at mga bata. Sa mga pamayanan na nakararanas ng vog, mangyaring tandaan ang mga sumusunod:

 

1.) Limitahan ang pagkakalantad o exposure sa vog. Iwasan ang mga gawaing panlabas o manatili na lamang sa loob ng bahay at isara ang mga bintana at pintuan upang maiwasang makapasok ang vog sa loob ng bahay.

 

2.) Protektahan ang sarili. Gumamit ng nararapat na N95 face mask o gas mask. Uminom ng maraming tubig upang maibsan ang iritasyon o paninikip ng daluyan ng paghinga. Kung kabilang sa mga sensitibong grupo, siguraduhing subaybayan ang inyong kalagayan at magpatingin agad sa doktor o sa barangay health unit kung kinakailangan, lalo na kung may malalang epekto ng vog.

 

Ang Alert Level 2 ay nanatiling nakataas sa Bulkang Taal kaya pinaaalahanan ang mga mamamayan na ang banta ng biglaang steam-driven o gas-driven na pagputok at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglaang maganap at manalasa sa mga paligid ng TVI. Ang pagpunta sa TVI ay dapat na mariin pang ipagbawal. Ang DOST-PHIVOLCS ay masusing nagbabantay sa kalagayan ng Bulkang Taal, 24/7 at handang agarang ipabatid ang anumang pagbabago nito sa lahat ng kinauukulan.

 

DOST-PHIVOLCS