Ito ay paunawa ukol sa mga naulat at maari pang maging epekto ng mataas na pagbuga ng SO2 gas mula sa Main Crater ng Bulkang Taal.
Sa nakalipas na dalawang araw, mataas na antas ng sulfur dioxide o SO2 mula sa Taal Main Crater ang nasukat sa pamamagitan ng UV spectrometry campaign sa paligid ng baybaying-lawa ng Taal. Ang pinakamataas na pagbuga ng SO2 na naitala kailanman sa Taal ay 9,911 tonelada kada araw noong ika-10 Hunyo 2021. Ang pinakamataas na sukat nitong araw ay nakalap kasabay ng masigabong upwelling sa Main Crater Lake na nangyari mula 6:00 ng hapon ng ika-9 ng Hunyo hanggang 10:00 ng umaga ng ika-10 ng Hunyo 2021 at lumikha ng 1.5 kilometrong taas na singaw o steam plumes na napapadpad patungo sa hilagang kanluran. Dahil sa mataas na antas ng SO2 aerosol sa kanlurang Taal Caldera, ang mga residente sa tatlong barangay ng Munisipyo ng Agoncillo, Lalawigan ng Batangas – Banyaga, Bilibinwang at Subic Ilaya – ay nakaranas ng pagkasulasok sa lalamunan at biglaang pagtuyo o pagkamatay ng mga pananim, halaman at puno makalipas ang pag-ulan. Ang mga obserbasyong ito ay naiulat sa amin ng Municipal Agricultural Office at kasalukuyang nasa ilalim ng karagdagang imbestigasyon. Ang kakaibang mataas na pagbuga ng SO2 sa panahong ito na may pananahimik sa paglindol ay nagbababala hindi lamang ng patuloy na pagligalig ng magma, kundi pati na rin, ng direktang epekto ng gas mula sa bulkan sa mga populasyon at lokal na ekonomiya sa paligid ng Lawa ng Taal. Kung magpatuloy ito, at batay sa taya ng PAGASA sa ihip ng hangin sa Katimugang Tagalog para sa mga susunod na mga araw, ang mga pamayanan sa kanluran at hilaga ng Taal Volcano Island o TVI ay maaaring makaranas ng mga epekto ng volcanic SO2.
Ang SO2 ay isang acidic gas na nakapagdudulot ng iba’t-ibang antas ng pagkairita ng mga mata, lalamunan at daluyan ng paghinga ng isang indibiduwal lalo na sa mga maysakit na asthma, sakit sa baga o puso, mga matatanda, buntis at bata, depende sa dami ng gas o tagal ng pagkalanghap nito. Kung hindi naiwasang makalanghap ng volcanic gases, mahalagang tandaan ang mga sumusunod:
1) Protektahan ang sarili. Gumamit ng nararapat na N95 face masks o gas mask. Uminom ng maraming tubig upang maibsan ang iritasyon o paninikip ng daluyan ng paghinga. Kung kabilang sa mga sensitibong grupo, siguraduhing subaybayan ang inyong kalagayan at magpatingin agad sa doktor o sa barangay health unit kung kinakailangan. At kung kung makakaranas ng matitinding epekto, magpatingin agad sa doktor o sa barangay health unit.
2) Limitahan ang pagkakalantad o exposure. Lumayo sa pinanggagalinganng volcanic gas o manatili na lamang sa loob ng bahay at isara ang mga bintana at pintuan upang maiwasang makapasok sa loob ng bahay.
Ang Alert Level 2 ay nanatiling nakataas sa Bulkang Taal kaya pinaaalahanan ang mga mamamayan na ang banta ng biglaang steam-driven o gas-driven na pagputok at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglaang maganap at manalasa sa mga paligid ng TVI. Ang pagpunta sa TVI ay dapat na mariin pang ipagbawal. Ang DOST-PHIVOLCS ay masusing nagbabantay sa kalagayan ng Bulkang Taal, 24/7 at handang agarang ipabatid ang anumang pagbabago nito sa lahat ng kinauukulan.
DOST-PHIVOLCS
