Ito ay paunawa ukol sa mataas na pagligalig ng Bulkang Taal
Sa nakalipas na 24 oras, ang Taal Volcano Network ay nakapagtala ng dalawang daan at walumpu’t-walong (288) volcanic earthquake kabilang ang tatlumpu’t siyam (39) na low frequency volcanic earthquake at dalawang daan at apatnapu’t siyam (249) na volcanic tremor na tumagal ng isa (1) hanggang dalawampung (20) minuto, at low-level background tremor na nagsimula pa noong ika-08 ng Abril 2021. Karamihan sa mga lindol na ito ay naganap na mababaw na hindi hihigit sa limang (5) kilometrong lalim ng Taal Volcano Island o TVI at sa hilagang-silangan ng Taal Lake. Namataan ang upwelling sa Main Crater Lake at pagsingaw na may taas na tatlong daang (300) metro mula sa mga fumaroles sa Main Crater ngayong umaga. Ang pagbuga ng sulfur dioxide o SO2 ay humigit-kumulang 2,214 tonelada kada araw noong ika-17 ng Mayo 2021. Ang sukat ng ground deformation ng bulkan gamit ang electronic tilt ay nakapagtala ng bahagya ngunit biglaang pagtaas sa pamamaga ng Taal Volcano Island na nagsimula kahapon, samantalang ang mas mahabang pagsubaybay gamit ang electronic tilt, continuous GPS at InSAR monitoring ay patuloy na nakakapagtala ng marahan na pamamaga ng kalakhang Taal magmula pa nang pagsabog ng bulkan noong Enero 2020. Sa kabuuan, ang mga nabanggit na batayan ay maaaring nagsasaad ng patuloy na pagligalig ng magma sa di kalalimang bahagi ng bulkan.
Ang Alert Level 2 ay kasalukuyan pa ring nakataas sa Taal Volcano, subalit may muling pagtaas sa pagligalig ng bulkan at ang kalagayan nito ay nananatiling pabago-bago. Pinaaalalahanan ng DOST-PHIVOLCS ang madla na sa Alert Level 2, ang steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglaang maganap at manalasa sa mga paligid ng Taal Volcano Island o TVI. Mariing iminumungkahi ng DOST-PHIVOLCS na maigting na ipagbawal ang pagpasok ng sinuman sa TVI, na siyang Permanent Danger Zone o PDZ ng Bulkang Taal, lalung-lalo na sa may gawi ng Main Crater at ng Daang Kastila fissure, at ang paninirahan at pamamangka sa lawa ng Taal. Ang mga lokal na pamahalaan ay hinihikayat na patuloy na suriin at pagtibayin ang kahandaan ng mga dati nang nilikas na barangay sa paligid ng Lawa ng Taal kung sakali mang magkaroon ng panibagong pag-aalburoto ang bulkan. Ang mga may-katungkulan sa civil aviation ay nararapat na humikayat sa mga piloto na iwasang magpalipad malapit sa bulkan dahil sa naglilipanang abo at umiitsang bato na maaaring idulot ng isang biglaang pagputok ng bulkan. Ang DOST-PHIVOLCS ay masusing nagbabantay sa kalagayan ng Bulkang Taal 24/7 at handang agarang ipabatid ang anumang pagbabago nito sa lahat ng kinauukulan.
