00 volcano icon for bulletin Ito ay paunawa tungkol sa mataas na SO2 gas emission mula sa Bulkang Taal.

 

Ang pinakamataas na sukat ng volcanic sulfur dioxide o SO2 gas emission at kasabay na matatayog na steam-rich plume mula sa Taal Main Crater ay naitala ngayong araw. Ang sukat ng SO2 ay humigit-kumulang nasa 14,699 tonelada kada araw, ang pinakamataas na naitala sa Bulkang Taal, habang ang pagsingaw ng plume mula sa Main Crater ay umabot sa taas na 2,500 metro sa ibabaw ng Taal Volcano Island. Ang mataas na pagbuga ng SO2 ay maaaring masundan ng pagsabog sa Main Crater katulad ng matataas na sukat na 14,326 tonelada kada araw at 13,287 tonelada kada araw noong 28 Hunyo at umaga ng 1 Hulyo 2021 bago maganap ang maikling phreatomagmatic eruption noong 3:16 PM ng 1 Hulyo. Dagdag dito, ang mataas na SO2, kaakibat ng mataas na relative humidity na 79-91% at ihip ng hangin na 0.5 – 2 metro kada segundo sa Taal Lake batay sa datos ng All-Weather Stations sa Taal Volcano Observatory at Taal Volcano Island, ay maaring magdulot ng pamumuo ng volcanic smog o vog sa mga tabing-lawa na pamayanan ng Lalawigan ng Batangas.

Pinapaalalahanan ng DOST-PHIVOLCS ang publiko na ang Alert Level 3 ay nananatiling nakataas sa Bulkang Taal at ang kasalukuyang sukat ng SO2 ay nagpapahiwatig ng pagsungaw ng magma sa Main Crater na maaaring magdulot ng muling pagputok. Maigting na iminumungkahi ng DOST-PHIVOLCS na manatiling nakalikas ang Taal Volcano Island at ang mga barangay na may mataas na peligro na kinabibilangan ng Bilibinwang at Banyaga, Agoncillo at Buso-buso, Gulod at silangang Bugaan East, Laurel, Batangas dahil sa mga posibleng panganib ng pyroclastic density currents at volcanic tsunami kung sakaling magkaroon ng pagputok. Pinapaalalahanan ang publiko na ang buong Taal Volcano Island ay isang Permanent Danger Zone (PDZ), at ang pagpasok sa isla pati na ang mga barangay na may mataas na peligro sa Agoncillo at Laurel ay dapat ipinagbabawal. Ang paglaot sa Taal Lake ay hindi dapat payagan sa ngayon. Pinapayuhan ang mga pamayanan sa paligid ng Taal Lake na manatiling alerto, mag-ingat sa posibleng paglipana ng abo at vog at mahinahon na maghanda para sa posibilidad ng paglikas kung tumindi ang pagligalig ng bulkan. Dahil sa mataas na pagbuga ng SO2 mula sa Taal Main Crater, pinapayuhan ang mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng health checks sa mga mamayanan na apektado ng vog upang masuri ang mga epekto ng SO2 at ikonsidera ang pansamantalang paglikas ng mga residenteng may malubhang epekto kung kinakailangan. Dapat payuhan ng Civil Aviation Authority ang mga piloto na iwasan ang paglipad sa ibabaw ng Taal Volcano Island dahil ang airborne ash at mga initsang pitak ng lava mula sa biglaang pagputok at mga pyroclastic density current tulad ng mga base surge ay maaaring magdulot ng mga panganib sa sasakyang panghimpapawid. Ang DOST-PHIVOLCS ay masusing nakasubaybay sa Taal at ang anumang bagong kaganapan sa bulkan ay agarang ipapaalam sa lahat ng mga kinauukulan.

 

DOST-PHIVOLCS