Pinababatid sa lahat ang pagbaba ng kalagayan ng Bulkang Taal mula sa Alert Level 3 (Mataas na Aktibidad) patungong Alert Level 2 (Bumaba ang Aktibidad).
Matapos ang phreatomagmatic eruption sa Main Crater noong ika-26 ng Marso 2022, at anim (6) na mahihinang phreatomagmatic bursts o pagpusngat na naganap hanggang ika-31 ng Marso, nagkaroon ng paghina sa aktibidad ng bulkan. Ang kalagayan ng bulkan sa nakalipas na dalawang linggo ay kinabibilangan ng pagbaba ng bilang ng volcanic earthquakes, paghina ng pagsingaw ng volcanic gas, at marahang pag-impis ng bulkan. Ang mga ito ay batay sa mga sumusunod na mga palatandaan:
- 1. Simula ika-26 ng Marso 2022, mahihina lamang ang mga naitalang volcanic earthquake ng Taal Volcano Network (TVN), na may kabuuang bilang na walumpu’t anim (86). Kabilang dito ang dalawampu’t anim (26) na volcanic tremors, limampu’t siyam (59) na low-frequency volcanic earthquakes, at isang (1) volcano-tectonic earthquake, na naganap sa loob ng 0-7 kilometrong lalim ng Main Crater at silangang bahagi ng Taal Volcano Island (TVI). Karamihan ng earthquakes ay sanhi ng volcanic degassing mula sa mababaw na magma at hydrothermal region sa ilalim ng TVI. Maliban dito, simula ika-31 ng Marso 2022, wala nang naitalang background tremor na kaugnay sa mababaw na hydrothermal activity. Simula pa noong nakaraang taon, wala na ring naitalang seismic activity na kaugnay ng panibagong magmatic intrusions na nagmumula sa malalim na magma source ng Taal Volcano.
- 2. Matapos ang pagtaas ng sulfur dioxide (SO2) flux noong unang tatlong linggo ng Marso 2022, na umabot sa pinakatamaas na sukat na 21,211 tonelada/araw nitong ika-16 ng Marso, ang pagsingaw ng SO2 ay bumaba nitong ika-3 ng Abril 2022. Mula noon, ang mga sukat ng SO2 flux ay nag-average na lamang sa 240 tonelada/araw at huling sumadsad sa 103 tonelada/araw kahapon, ika-8 ng Abril, ang pinakamababang nasukat simula pa ng pagligalig noong 2021. Ang pagtaas ng sukat ng SO2 bago ang phreatomagmatic eruption noong ika-26 ng Marso, at ang pagsunod ng pagbaba nito, ay nangangahulugang ang ganitong pagputok at pagpusngat ng Main Crater ay sanhi ng naiipon na volcanic gases. Samakatuwid, ang mga pinakahuling sukat ng SO2 na mabababa na lamang ay nagsasaad na maliit ang pagkakataong pumutok ang bulkan sa kasalukuyan.
- 3. Ang mga ground deformation data na naitala mula Enero 2021 hanggang Abril 2022 gamit ang electronic tilt sa TVI, continuous Global Positioning System (GPS), at InSAR analysis ng Sentinel-1 sa kalakhang Taal Caldera ay nagsasaad ng mahinay na deflation o pag-impis ng TVI na nakatuon sa isang pressure source sa gawing silangan nito. Dagdag dito, nakatala rin ang GPS ng pag-impis na may labing-isang (11) centimetro sa timog silangang bahagi ng TVI. Ang mga pamantayang ito ay kaakibat ng depressurization ng hydrothermal region sa ilalim ng TVI dulot ng patuloy na pagsingaw ng volcanic gas at pagputok sa Main Crater.
- 4. Ang kalagayan ng Main Crater sa nakalipas na linggo ay kinabibilangan lamang ng madalang na pag-usok at mas mahahabang pagitan na wala nito, na naaayon sa malaking pagbaba ng magmatic degassing.
Alinsunod sa mga nakasaad, pinapabatid ng DOST-PHIVOLCS ang pagbababa mula Alert Level 3 patungong Alert Level 2 sa Bulkang Taal batay sa pangkalahatang pagbaba ng mga iba’t-ibang pamantayan sa pagmamanman ng bulkan. Bagama’t ang pagbaba ng Alert Level ay naaayon sa huminang pagliligalig ng Taal, hindi ito nangangahulugang tuluyan nang naglaho ang banta ng muling pagsabog. Kapag nagkaroon ng dagliang pagtaas o pagbabago sa mga iba’t-ibang monitoring parameters, ang Alert Level ay maaaring ibalik muli sa Alert Level 3. Kung ganito man ang mangyari, ang mga naninirahan sa mga barangay na dati nang inilikas ay kailangang maghanda muli sa isang mabilis at mahinahon na paglikas. Kung sakali namang magtuloy-tuloy ang paghupa ng mga monitoring parameters sa loob ng isang buwan, ang Alert Level ay ibababa sa Alert Level 1.
Patuloy na pinapaalalahanan ng DOST-PHIVOLCS ang mga kinauukulan na sa Alert Level 2, ang steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglang maganap at manalasa sa paligid ng TVI at karatig na mga dalampasigan. Mariing iminumungkahi na maigting na ipagbawal ang pagpasok ng sinuman sa TVI, na siyang Permanent Danger Zone o PDZ ng Bulkang Taal. Hinihimok ang mga Local Government Units (LGU) na patuloy pagtibayin ang paghahanda, contingency plans, at mga pamamaraan ng komunikasyon lalo na para sa mga nilikas na mga barangay para kung sakali mang manumbalik ang pagligalig ng bulkan. Ang mga pamunuan sa civil aviation ay dapat magpayo sa mga piloto na iwasan ang pagpapalipad malapit sa bulkan upang makaiwas sa biglaang pagbuga ng abo at malalaking tipak ng lava o paglipad ng abo dala ng malakas na hangin na maaring magdulot ng panganib sa mga sasakyang panghimpapawid. Ang DOST-PHIVOLCS ay patuloy na masusing nagbabantay sa kalagayan ng Bulkang Taal at agarang magpapararating sa lahat ng anumang pagbabago sa kalagayan ng bulkan.
DOST-PHIVOLCS
