Pinababatid sa lahat ang pagbaba ng alerto ng Bulkang Taal mula sa Alert Level 3 (Mataas na Aktibidad) patungong Alert Level 2 (Bumaba ang Aktibidad)
Matapos ang phreatomagmatic eruption sa Main Crater noong ika-1 ng Hulyo 2021 at labing-siyam (19) na mahihinang phreatomagmatic bursts na naitala hanggang ika-9 ng Hulyo 2021 ay nagkaroon ng paghina sa aktibidad ng bulkang Taal. Ang kasalukuyang pagligalig ay kinabibilangan ng panibagong seismic activity, pangkalahatang pagbaba ng pagsingaw ng mga volcanic gas, marahang pag-impis ng bulkan at positive anomalies gamit ang microgravity. Ang mga obserbasyong ito ay batay sa mga sumusunod na mga palatandaan:
- Simula ika-1 ng Hulyo 2021, ang mga naitalang volcanic earthquake ngTaal Volcano Network (TVN) ay may kabuuang bilang na 1,201 at may kaakibat na lakas mula M1.8 hanggang M4.6. Kabilang dito ang 789 na volcanic tremor, 365 na low-frequency event, 27 na hybrid, at walong (8) volcano-tectonic earthquake na dulot ng aktibidad ng magma at hydrothermal region sa ilalim ng Taal Volcano Island (TVI). Karamihan ng mga lindol ay nagmula sa ilalim ng Main Crater at hilagang-silangang bahagi ng TVI ay nagsasaad ng paggalaw ng mababaw na degassed magma, volcanic gas at hydrothermal fluids sa naturang bahagi ng bulkan.
- Ang Sulfur dioxide (SO2) flux na nasusukat gamit ang Flyspec ay may average na nasa 12,161 tonelada kada araw noong unang linggo ng Hulyo 2021, na kung saan ang pinakamataas na naitalang buga ng SO2 ay umabot sa 22,628 tonelada kada araw noong ika-4 ng Hulyo 2021. Mula naman noong ika-8 at ika-22 ng Hulyo ay bumaba sa 4,763 tonelada kada araw ang average SO2. Ang pagbaba ng degassing activity ay nagsasaad na nababawasan ang naipong volcanic gas sa ilalim ng TVI; kasama na rin ang “scrubbing effect” o paglusaw sa natutubigang hydrothermal system ng Taal na dulot naman ng pag-ulan.
- Ang mga ground deformation data na naitala mula Marso hanggang Hunyo 2021 gamit ang mga electronic tilt, continuous Global Positioning System (GPS), at InSAR analysis ng Sentinel-1 satellite data sa kalakhang Taal Caldera ay nagsasaad ng mahinay na ground deformation ng TVI na nakapako sa isang pressure source sa gawing timog silangan nito, at patuloy na pag-alsa at/o paglawak sa bandang timog kanluran ng Taal Fracture Zone kung saan may naganap na fissuring noong 2020. Bukod sa nabanggit, pinapakita rin ng GPS at InSAR na may mababaw na depressurization source sa gawing timog silangan ng TVI at may mababaw naman na pressurization source sa bandang kanluran ng Pansipit River Valley. Dagdag dito, ang resulta ng mga microgravity survey sa paligid ng Taal Caldera mula noong Pebrero 2021 ay nakatala ng positive microgravity changes alinsabay ng pag-impis ng bulkan na sanhi ng degassing, paninigas at paggalaw ng magma. Ang lahat ng pamantayang ito ay nagpapatunay na may nagaganap na hydrothermal activity sa ilalim ng Taal Fracture Zone at sa pagdaloy ng magma mula sa timog silangang bahagi patungo sa iba’t-ibang bahagi ng TVI.
- Kadalasan, katamtamang pagsingaw na kalimitan ay may kasabay ngunit mas mahinang upwelling ng mainit na volcanic gases ang namamatyagan sa Main Crater.
Alinsunod sa mga nakasaad na batayan, pinapabatid ng DOST-PHIVOLCS ang pagbababa mula Alert Level 3 patungong Alert Level 2 sa Bulkang Taal kaalinsabay ng pangkalahatang pagbaba ng mga iba’t-ibang pamantayan sa pagmamanman ng bulkan. Bagama’t ang pagbaba ng Alert Level ay nagsasaad ng pagbaba ng aktibidad ng Taal, hindi ito nangangahulugang tuluyan nang nawala ang panganib ng muling pagsabog. Kapag nagkakaroon ng dagliang pagtaas o pagbabago sa mga iba’t-ibang monitoring parameters ng bulkan, ang Alert Level ay maaaring ibalik muli sa Alert Level 3. Sa pagkakataong ito, ang mga naninirahan sa mga barangay na dati nang inilikas ay hinihimok na laging maging handa, maging mahinahon at makinig sa mga paunawa ng mga tamang kinauukulan lamang. Kung sakali namang magtuloy-tuloy ang paghupa ng mga monitoring parameters sa loob ng isang buwan, ang Alert Level ay ibababa patungong Alert Level 1.
Patuloy na pinapaalalahanan ng DOST-PHIVOLCS ang mga kinauukulan na sa Alert Level 2, ang steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglang mangyari at manalasa sa paligid ng TVI at kalapit na mga dalampasigan. Mariing iminumungkahi ng DOST-PHIVOLCS na maigting na ipagbawal ang pagpasok ng sinuman sa TVI, na siyang tukoy na Permanent Danger Zone o PDZ ng Bulkang Taal. Hinihimok ang mga Local Government Units (LGU) na patuloy na suriin ang mga pinsala at kalagayan ng kalsada’t daanan sa mga barangay na dati nang inilikas at pagtibayin ang paghahanda, contingency, at mga pamamaraan ng komunikasyon para sa sakaling mas magligalig ang bulkan. Ang mga komunidad malapit sa mga ilog, lalong-lalo na sa mga lugar na kung saan bumagsak ang mga abo mula sa pagsabog noong 2020 ay hinihimok na laging mas mapagmatyag sa mga panahong may malakas na pag-ulan sapagkat ang mga abong ito ay nagiging lahar kapag natangay ng rumaragasang tubig. Ang mga pamunuan ng civil aviation ay kinakailangang magpayo sa mga piloto na iwasan ang pagpapalipad malapit sa bulkan upang makaiwas sa biglaang pagbuga ng abo at malalaking tipak ng lava o paglipad ng abo dala ng malakas na hangin na maaring magdulot ng panganib sa mga sasakyang panghimpapawid. Ang DOST-PHIVOLCS ay patuloy na masusing nagbabantay sa kalagayan ng Bulkang Taal at agarang magpapararating sa lahat ng anumang pagbabago sa kalagayan ng bulkan.
DOST-PHIVOLCS
